Raya,
Ilang araw na lang, tatlong taong gulang ka na.
Parang kailan lang nang sa unang pagkakataon ay pakiramdam kong hindi ko alam kung paano ako makikipagkilala sa'yo. Hindi ko maipaliwanag ng maayos, pero baka balang araw mauunawaan mo din—na dahil sa halo-halong emosyon ng surpresa, labis-labis na saya, kaba, at pananabik ang tangi ko lang nagawa ay ngumiti. Ewan ko ba, hindi naman ako na-torpe sa Mama mo, pero sa'yo, oo.
Sa katunayan nga, hanggang ngayon ay nagpapakilala pa rin ako sa'yo. At higit pang lumalaki ang pag-ibig ko sa'yo sa bawat araw na kausap kita, kasama, kakulitan, kalambingan, kaawitan, at iba pa.
Bago ka pa man dumating, minahal na kita.
Dalangin ka namin ng Mama mo noong gusto na naming magka-anak. Grabe ang tuwa ko nang malaman kong pinagbubuntis ka na ng Mama mo matapos ang ilang buwan. Tumugon ang Diyos at binigay ka sa amin. Mula sa sinapupunan hanggang sa iyong pagsilang, laman ka ng aming puso at isip. Mula noong umpisa at hanggang kailanman ay mamahalin ka namin.
Ako, hindi ko inakala na ganito kabilis ang panahon. Tinititigan nga kita kung minsan kasi hindi pa rin ako makapaniwala: ang bilis mong lumaki. Parang noong una ay mumunting sanggol ka lamang na walang kayang gawin kung hindi ang umiyak, biglang ngayon parang lahat ay gusto mong subukin at alamin. Kaunting panahon na lang, baka mailang ka na na hawakan ang kamay ko, yakapin ako, o kausapin. Huwag naman sana. Pero kung dumating man iyon, sana ay handa na akong tanggapin.
Andami mo nang alam ngayon. Bulol ka pa man sa ilang tunog at letra pero sobrang dami mo nang nalalaman. Ang bilis mong matuto. Sa katunayan nga, nasusubok din kami ng Mama mo sa bilis mong matuto. Kailangan naming maging maingat sa itinuturo sa'yo: mula sa mga aral mula sa Salita ng Diyos, sa mabubuting halimbawa, sa sining, akademiks at iba pa. Dumugo man ang ilong namin kasasalita ng wikang Ingles, ligaya naman sa amin ang makabahagi sa buhay mo't pagtanda.
Binigyan ka ng Diyos ng talino na dalangin ko ay magamit mo balang araw para paglingkuran Siya, ang bayan at pamilya mo. Huwag ka lamang magpapadaya sa sarili mo: tandaan mong walang kuwenta ang talino kung kapalaluhan ang dulo nito. Hangarin mong maging matalino, marunong at magaling basta't huwag lalaki ang ulo mo. Huwag kang mangmamaliit ng ibang tao o kaya'y maghanap ng pansin. Hindi dahilan ang talino upang maging makasarili.
Malakas ang loob mo—maganda 'yan. Kakailanganin mo 'yan lalong-lalo na sa panahon mo. Hindi ko alam kung anong naghihintay sa'yo sa hinaharap, pero ang maging tangi mo sanang sandigan at dahilan ay ang Panginoon. Sa ganoong paraan, kahit saan ka man mapunta o ano pa man ang iyong marating, siguradong kakayanin mo kahit maging kalaban mo pa ang daigdig. Hindi lahat madadaan sa pagiging iyakin. Mas ikabubuti mo ang ilagay sa kamay ng Diyos ang bawat bukas at kumilos kang may panalangin na ikaw ay Kaniyang pagpalain. Epektibo lamang ang tapang kapag may karunungan at dalisay na hangarin.
Huwag mong patigasin ang puso mo sa mga pagtatama sa'yo: galing man sa amin ng Mama mo o sa Diyos na may likha sa iyo. Matuto kang magpakumbaba sapagkat ang sinumang nagmamataas ay ibinabagsak ng Maykapal. At ang tunay na pagmamahal ay hindi laging payapa: minsan masakit din, lalo na 'pag may disiplinang kasama. Bahagi lahat 'yan ng buhay, Anak. Patunayan mong ang talino mo ay hindi hanggang utak lamang: mabuhay ka ng may karunungan: "ang katigasan ng ulo ang papatay sa mangmang."
Sa tuwing matatapos ang pananalangin natin sa gabi, inuulit-ulit ko sa'yo na mahal ko ang pamilya natin sapagkat binigay kayo ng Diyos sa akin. Darating ang panahon na mag-aasawa ka rin, magkapapamilya at gagawa ng mga plano para sa kinabukasan ng iyong mga anak. Pag-aralan mong tularan ang Diyos sa kanyang kalooban, kabutihan, kagandahan, at gawin mo ang lahat para sa Kaniyang kaluwalhatian. Tanging sa ganyang paraan mo lamang magagawang makapaglingkod sa mga minamahal mo ng tama at puno ng kasapatan. Kilalanin mo si Hesus gaya ng ginagawa natin mula sa iyong pagkabata.
Alam kong masyado pang maaga para sa mga habilin ko't payo. Bata ka pa, madami pang taon ang darating sa buhay mo. At isa pa, hindi ka pa marunong mag-Tagalog sa ngayon. Balang araw, maiiintindihan mo din ang mga ibinahagi ko dito. Sa pagkakataong mahanap at mabasa mo ito, sana maintindihan mo na kahit lamang sa maikling liham na ito ay naipabatid ko sa iyo na minahal ka namin at minamahal ka namin ng totoo.
Hindi ko alam kung ilang taon pa ang meron ako sa mundo... isa, dalawa, tatlo? Basta ang panalangin ko ay alagaan ka ng Maykapal hanggang sa muli nating pagtatagpo. Sulitin na lamang natin ang bawat segundo na magkapiling tayo: isa, dalawa, tatlo.
Nagmamahal,
Papa
0 Comments