Ako nga pala si Jeremiah Erasquin, a.k.a. Potpot, a.k.a. Miah, a.k.a. PK, a.k.a Knucklehead, a.k.a. Hammurabi. Matagal na akong musikero. Ang ibig kong sabihin sa "musikero" eh matagal na akong marunong tumugtog ng gitara (since 2nd year high school, self-learned), matagal na din akong kumakanta (salamat sa genes ng parents ko), matagal na din akong sumusulat ng kanta (since 3rd year high school), at matagal na din akong nage-enjoy sa sarili kong gawang musika. 'Di man ako aral sa larangan ng musika gaya ng iba, nakabuo na din ako ng mga prinsipyo sa musika dala ng experiences ko sa loob ng ilang taon na nakapag-eksperimento ako. Ilang kanta na ba naisulat ko? Siguro nasa higit 100 na din. Nasaan na sila? Yung iba, nasa Internet. Yung ilan, nawala na.
Jam ko nung high school ang mga kanta ng Dashboard Confessional. Idol na idol ko yung taas ng boses ni Chris Carrabba, yung ganda ng boses nya, yung tunog ng gitara nya, yung lirisismo at story-telling, yung emotions, yung patilya nya. Oo, pati patilya nya. LOL. Kung magiging musikero man ako, ganong klase ng performance ang gusto kong ma-achieve. At oo, emo ako non. May pa-bangs pa nga ako e. At kahit bawal ang long hair noong high school days ko, nagpapahaba pa rin ako ng bangs. Kaya nasubukan ko na ding makultapan ng buhok ng teacher ko sa Filipino noon na si Sir Quiaoit dahil sa ka-emohan ko. Well, NO RAGRETS. 😂 Dami ko pang sinasabi non e. Kesyo "emo is not about the hair, it's a lifestyle" at kung anu-ano pang kababawan sa buhay. Ang simple ng mundo ko noon. Masaya na akong mapatunog ang gitara habang naka-bar chords. Masaya din akong nakapag-aral at makatugtog ng ilang kanta from Dashboard (oo, surprising nga talaga na hindi ako nagsimulang mag-gitara sa kantang Magbalik ng Callalily). At masaya din akong may ilan akong kaibigan na willing makinig ng jam ko. (Shoutout sa Akinse at sa ilang kaklase ko nung HS!)
Bilib na bilib din ako sa Tatay ko noon at Ate ko na magaling magsulat ng kanta, at sa Kuya kong magaling magsulat ng tula. Sa murang edad ko noon, ako naman kaya, saan kaya ako magaling? Magaling lang ba akong magpahaba ng buhok? Magaling lang ba akong umabsent? Hindi ko alam pa noon kung saan ba ako pupulutin. Hindi ko din naman masyadong iniisip pa yon noon. Pero dahil napapalibutan ako ng mga taong talentado sa pagsusulat, naengganyo akong magsulat. Oo, nagba-blog na din ako noong high school under sa pen name ko na "Knucklehead" na nakuha ko sa isang episode ng SpongeBob SquarePants (such an emo show). At kalaunan, nakapagsumite na din ako ng article para sa Ang Kabataan ng INHS at napasali na din sa ilang essay writing contest kung saan nakakuha ako ng ilang awards. Doon ko napatunayang kaya ko naman palang magkuwento, mag-express ng mga thoughts ko sa organisadong paraan, at mag-sulat ng may kabuluhan.
Pero iba pala ang pagsusulat ng kanta. Hindi sya kagaya nitong pagsusulat ng entry sa blog. Hindi lang sya basta kwento. Hindi lang sya basta ideya. Hindi lang basta melodya. Kailangan mong maitawid yung damdamin kasabay ng kuwento sa bilang na sukat lamang na aakma sa kung paano ang kumpas at areglo ng kanta. At dahil napapaligiran ako ng mga musikero sa bahay, pinalad akong magkaroon ng free coaching sessions sa kay Ate Jessa (hi, Ate!). Naaalala ko pa nung sinampolan nya ako ng pagsusulat ng lyrics sa kanta nyang "Barkada". Hangang-hanga ako. At dahil don, binasa ko ang ilang mga gawa nyang kanta at tinignan kung paano sya nakakapagkuwento gamit ang kanta. At doon na nga nagsimula ang aking interes sa pag-gawa din ng sarili kong mga awit.
Nasubukan kong magsulat ng walang pinanghuhugutan, nasubukan ko na ding magsulat ng hango sa tunay na kwento. Nasubukan ko na ding magsulat ng walang kwenta at ng ilang walang sense. Pero halatang-halata na amateur lamang yung nagsulat. Well, I did what I could to learn. Kalaunan, yung mga kanta ko, kinanta na din namin ng banda na binuo naming magkakaibigan noong high school, ang bandang "Kami ang Kudos." Later ko na lang narealize na ang hirap palang gamitin ng name na 'yon 'pag magpeperform. Kasi kapag magpapakilala, sasabihin kong "Kami nga po pala ang Kami ang Kudos" which does not make sense. But whatevs. LOL. Past is past. Move on. HAHAHAHA. Anyway, balik sa kuwento, ginamit namin yung mga sinulat ko nung HS at hindi pa kami nakuntento: ni-record pa namin at ni-release (nasa Internet pa yung mga kanta namin hanggang ngayon, pero 'wag nyo nang hanapin pls)! Lakasan lang talaga ng loob. Again, NO RAGRETS. LOL
Dinala ko yung pagsusulat hanggang college, at patuloy pa rin akong gumawa ng kanta para sa mga babaeng kinainlaban ko. This time, dahil hindi na ako banda, ni-rebrand ko na yung "Kami ang Kudos" to "Artificial October". Solo project na lang sya. At nag-focus ako sa kung saan ako mas nakakarelate: love songs. Pero dahil madalas akong heart broken, ayun: sad love songs ang karamihan. I heard my Kuya (who is my greatest critic BTW) say to me noon na hopeless daw yung mga kanta ko. Nope, hindi dahil nadama nya yung hopelessness na kino-convey ng mga kanta ko, kung hindi dahil sa tingin nya, masyadong hilaw pa yung mga sinusulat ko at malayo pa sa music na maeenjoy ng marami. I needed his opinions sa songwriting ko kasi feeling ko na talaga noon, ang gaganda na ng sulat ko. Pero gaya nga ng sabi nya, masyado daw personal to the point na hindi makaka-relate ang masses. Tama naman sya. Dahil karaniwan sa mga sinusulat ko, sinusulat ko specifically for all the girls I have loved before na nalilimutan ko nang maglagay ng konsiderasyon sa mga tagapakinig ko. Kung manunulat ka din, get yourself a critic like that basta 'wag kang iiyak.
After graduating sa college, tinuloy ko pa rin ang pagsusulat. Though solo pa rin ako, nasa isip ko na din noon pa na parang masaya ang mag-banda. Nakakapag-banda lang ako 'pag tumutugtog ako sa church eh (at hindi pa ako madalas sa chruch noon). Pero sa mga sarili kong gawang kanta, parang nakaka-miss din pala 'yung pagbabanda lalo na kung nasubukan mo na. 'Yung kulit, 'yung gulo, 'yung pagkakaibigan at samahan, 'yung ingay, 'yung unique na feeling na nararamdaman mo 'pag tumutugtog kayo ng sabay-sabay. Though sa puntong ito, hindi ko pa alam kung magkaka-banda pa nga ba ako sa future, tinuloy ko pa rin ang pagsusulat ng kanta para may mapaglibangan at maging kalayaan ng aking pagod na utak sa trabaho.
Early 2017, napagdesisyunan ko nang tama na. Ayoko nang magsulat. Mukhang wala din naman kasing kinabukasan ang pagsusulat ko ng kanta. Hindi naman ako sikat, hindi naman ako dalubhasa. Hindi din naman ako kasing-galing ni Carabba sa pagsusulat at pagpeperform. Lahat naman ng babaeng sinulatan ko ng kanta, iniwan din lang ako. Feeling ko talaga noon, panahon na para huminto. Mukhang narating ko na yung dulo ng karera ko sa paggawa ng mga sarili kong kanta. Don pa lang pala talaga ang simula.
At kahit na sinabi kong tama na, dahil heartbroken ako nung 2017, nakapagsulat pa rin ako ng ilang kanta. Naging tulay ko naman ever since kasi ang songwriting para ilabas ang saloobin ko. Pero para sa akin non, wala lang 'yon, parang sinok lang 'yon na hindi ko mapigilan. At nadagdagan pa at nadagdagan pa nga. Kalaunan, nung medyo OK na ako, naisipan kong kontakin si Abner Badua (owner and sound engineer ng Rock Mount Studios at lead guitarist ng Hammurabi) para i-propose yung idea na makapag-release ako ng album. Para sa akin nung time, magpoproduce ako ng album para lang may legacy naman ako sa mundo at may pinuntahan naman yung songwriting ko, kahit for my most recent songs lang.
At natuloy na nga ang recording namin ni Abs ng "YAPAK". Ito yung solo album ko na ilang gabi din naming pinagpuyatan ni Abs. Solid. Kita ko yung passion ni Abner sa ginagawa nya, at yung tuwa nya sa tuwing nakaka-accomplish sya ng something new. Nainspire ako don, at nagsimulang magtanong kung nasaan na yung passion ko para sa sarili kong musika. Dahil sa nakita kong passion ni Abs for his craft, sa ganda nung guitar licks na ginawa nya (particularly yung sa may 'Tahanan' which is my favorite pa rin na lead nya sa album), nabuhay yung passion ko to write songs ulit. Thanks, Abs!
At ngayon, ito na nga. Matapos ang release ng album ko, at matapos naming i-perform nila Abs, Nadz at Vanduane yung "YAPAK," naisipan na naming maging isang banda. Kalaunan, pumasok na din si John para maging bahista namin. At ngayon, yung mga sinusulat kong kanta, pang-banda na. Hindi kami full-time performers, part-time lang namin ang musika, pero ganon pa man, fulfilled kami sa passion namin for music. Sabi nga nila, NEVER DON'T GIVE UP. LOL
Kaya kung ano man ang iyong passion, kung pagsusulat man yan, paggawa ng tula, pagsasalita, pagi-inspire ng ibang tao, pagsasayaw, pagpapatawa, pagpa-podcast, paggawa ng reviews, pagbubunot ng buhok sa kili-kili, etc., don't quit on your passion. Keep going. And remember to honor the Lord in what you do by excelling and using every bit of your talent, skill, time, at kung ano pa man in ways na pleasing sa Panginoon!
Take care, friends!
0 Comments